Naging makahulugan ang pagdiriwang ng Lungsod ng Borongan sa ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na ginanap sa Borongan City Plaza nitong umaga, Hunyo 12.
Pinangunahan ng mga opisyales ng Lokal na Pamahalaan ng Borongan at Eastern Samar ang pagtaas ng watawat at pag-alay ng bulaklak sa monumento ni Jose Rizal, habang nagsagawa naman ng ‘21-gun salute’ ang Philippine National Police.
Bilang kinatawan at anak ng panauhing pandangal na si Senator Raffy Tulfo, ipinahayag ni Maricel Tulfo ang kanyang pakikiisa sa mga mamamayan ng Borongan sa pagunita ng naturang okasyon. Kanya ring binigyang kahulugan ang Hunyo 12 bilang simbolo ng kalayaan ng bawat Pilipino na tahakin ang anumang landas na kanilang piliin.
“Ang June 12 ay isang mahalagang araw dahil ito ay simbolo ng ating pagiging malaya, na ang bawat Pilipino ay may kalayaang tahakin ang bawat daan na kanyang pipiliin gamit ang sipag, tiyaga, at talino. Sa ating pagdiriwang ng kasarinlan ng ating bansa, ating alalahanin at isapuso ang mga naging sakripisyo ng ating mga bayani. Nawa’y maging inspirasyon natin ang mga bayani nang sa ganon maging bayani rin tayo sa ating payak na pamamaraan”.
Nagpaabot din ng kanyang mensahe si Cong. Maria Fe Abunda, kung saan kanyang binigyang diin ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ng ‘modern day heroes’ ng bansa sa nagpapatuloy na laban para sa kasarinlan ng Pilipinas.
Samantala, binalikan naman ni Atty. Celestino Cabato, kinatawan ng Alkalde ng Borongan na si Mayor Jose Ivan Dayan Agda, at Board Member Byron Suyot bilang kinatawan naman ni Governor Ben Evardone, ang kasaysayan ng pagkamit ng kalayaan ng Pilipinas.
Dumalo rin sa seremonya ang Sangguniang Panlungsod ng Borongan na pinangunguluhan ni Bise Alkalde Emman Tiu Sonco, Philippine Army, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, mga pinuno ng mga departamento at iilang empleyado ng tanggapan ng pamahalaan ng Borongan.
Itinatag ang Hunyo 12 bilang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga Kastila sa pamamagitan ng isang deklarasyon na nilagdaan ni Heneral Emilio Aguinaldo noong taong 1898.