You are currently viewing TRADE FAIR KASABAY NG SURF CITY BORONGAN MASTERS, NAKATUTULONG SA KAUNLARAN, PAKAKAKILANLAN N SYUDAD

TRADE FAIR KASABAY NG SURF CITY BORONGAN MASTERS, NAKATUTULONG SA KAUNLARAN, PAKAKAKILANLAN N SYUDAD

Kaharap ang mahabang dalampasigan ng Baybay Beach sa Borongan City ay makikita ang isang tindahang punung-puno ng kultura at tradisyon.

Ang Borongan Panapu-an Center ay isa sa mga kalahok sa trade fair na kasalukuyang ginaganap kasabay ng Surf City Borongan Masters, ang ikaapat na leg ng NextGen Pilipinas Surfing National Tour. Ito ay pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan ng siyudad sa pamamagitan ng City Tourism Office.

Sa kanilang puwesto ay makikita ang mga produktong gawa ng mga taga-barangay sa siyudad at maging ng mga persons deprived of liberty (PDL) sa Bureau of Jail Management and Penology.

Si Marilyl Villanueva, isang government employee, ay isa sa mga naatasang maging exhibitor ng Panapu-an Center. Para sa kaniya, kailangan ng pagkakaisa upang matangkilik ang mga lokal na produkto ng Borongan lalo na ang mga hindi nasisilayan ng karamihan. Malaking tulong ito sa mga gustong makapaghanap-buhay lalo na sa mga PDL, dagdag ni Villanueva.

“Hira mismo an naghimo para makabulig han ira pamilya (Sila mismo ang gumawa para matulungan ang kanilang pamilya),” wika niya.

Kabilang sa mga produkto ay mga keychains na gawa ng mga taga-Brgy. Punta Maria, coconut shells wallet galing Brgy. Sabang-Suribao at mga decor na gawa ng mga PDL.

Ang disenyo ng mga keychain ay kumakatawan sa iba’t-ibang tourist destination ng siyudad kagaya ng Borongan Cathedral, Hamorawon, Baybay Boulevard at iba pa.

Para sa isang lokal na residente na si Mira Capito, hindi lang produkto ang naipakikita nito kung hindi pati na rin ang kagandahan ng lugar ng Borongan.

“Maipapakilala pa lugo hit iba na mga tawo kun ano talaga it mayda ha Borongan (Maipapakilala pa sa ibang mga tao kung ano talaga ang mayroon sa Borongan),” ani Capito.

Ang mga tourist spots na ito ay isa sa mga pinagkukunan ng mga raw materials para sa mga produktong kanilang itinatampok, katulad na lamang ng mga shells na kabilang sa disenyo ng mga keychain at nakukuha sa tabing-dagat ng Brgy. Punta Maria.

Para kay Villanueva, malaki ang naitutulong ng lokal na pamahalaan ng Borongan City sa programang tulad ng trade fair lalo na para sa mga senior citizen na kabilang sa mga gumagawa ng kanilang mga tampok na produkto.

Isa pa, ang pagbibigay ng pagkakataon sa kanilang makapagtanghal ng kanilang mga produkto sa mga ginaganap na trade fair sa lungsod ay nakatutulong sa kanilang maabot ang kanilang target income kagaya na lamang noong Enero hanggang Hunyo kung saan kumita sila nang mahigit P15,000 at ngayong Hulyo hanggang Disyembre kung saan ay nalampasan na nila ang kanilang P30,000 na target.

“Damo an mga produkto nga nakilala ngan damo an nagkamaydaan trabaho (Maraming produkto ang nakikilala at maraming nagkakaroon ng trabaho),” masayang isinalaysay ni Villanueva.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagbebenta ng mga exhibitors sa Baybay Boulevard.

#surfcityph
#FunBorongan
π‘‡β„Žπ‘’ π‘π‘œπ‘£π‘’π‘Ÿπ‘Žπ‘”π‘’ π‘œπ‘“ π‘‘β„Žπ‘’ π‘†π‘’π‘Ÿπ‘“ 𝐢𝑖𝑑𝑦 π΅π‘œπ‘Ÿπ‘œπ‘›π‘”π‘Žπ‘› π‘€π‘Žπ‘ π‘‘π‘’π‘Ÿπ‘ , π‘‘β„Žπ‘’ π‘“π‘œπ‘’π‘Ÿπ‘‘β„Ž 𝑙𝑒𝑔 π‘œπ‘“ π‘‘β„Žπ‘’ 𝑁𝑒π‘₯𝑑𝐺𝑒𝑛 π‘ƒπ‘–π‘™π‘–π‘π‘–π‘›π‘Žπ‘  π‘π‘Žπ‘‘π‘–π‘œπ‘›π‘Žπ‘™ π‘†π‘’π‘Ÿπ‘“π‘–π‘›π‘” π‘‡π‘œπ‘’π‘Ÿ 𝑖𝑠 π‘π‘Ÿπ‘œπ‘’π‘‘π‘™π‘¦ π‘π‘Ÿπ‘’π‘ π‘’π‘›π‘‘π‘’π‘‘ 𝑏𝑦 π‘‘β„Žπ‘’ 𝐢𝑖𝑑𝑦 πΌπ‘›π‘“π‘œπ‘Ÿπ‘šπ‘Žπ‘‘π‘–π‘œπ‘› 𝑂𝑓𝑓𝑖𝑐𝑒 𝑖𝑛 π‘π‘Žπ‘Ÿπ‘‘π‘›π‘’π‘Ÿπ‘ β„Žπ‘–π‘ π‘€π‘–π‘‘β„Ž 𝑠𝑑𝑒𝑑𝑒𝑛𝑑 π‘π‘’π‘π‘™π‘–π‘π‘Žπ‘‘π‘–π‘œπ‘›π‘  𝐴𝑛𝑔 π‘†π‘–π‘›π‘Žπ‘” π‘Žπ‘›π‘‘ π‘‡β„Žπ‘’ πΆπ‘œπ‘’π‘Ÿπ‘–π‘’π‘Ÿ π‘œπ‘“ π‘‘β„Žπ‘’ πΈπ‘Žπ‘ π‘‘π‘’π‘Ÿπ‘› π‘†π‘Žπ‘šπ‘Žπ‘Ÿ π‘π‘Žπ‘‘π‘–π‘œπ‘›π‘Žπ‘™ πΆπ‘œπ‘šπ‘π‘Ÿπ‘’β„Žπ‘’π‘›π‘ π‘–π‘£π‘’ π»π‘–π‘”β„Ž π‘†π‘β„Žπ‘œπ‘œπ‘™ π‘Žπ‘›π‘‘ πΈπ‘†π‘†π‘ˆ πΆπ‘Žπ‘‘π‘Žπ‘™π‘¦π‘ π‘‘ π‘œπ‘“ π‘‘β„Žπ‘’ πΈπ‘Žπ‘ π‘‘π‘’π‘Ÿπ‘› π‘†π‘Žπ‘šπ‘Žπ‘Ÿ π‘†π‘‘π‘Žπ‘‘π‘’ π‘ˆπ‘›π‘–π‘£π‘’π‘Ÿπ‘ π‘–π‘‘π‘¦.